Dekolonisasyon ng Pagsasakasaysayang Pilipino
Kas 114 (Cultural History of the Philippines) Pangatwirang Sanaysay
Kaakibat na talaga ng agham panlipunan ang mga kaisipan at paradaym mula sa Kanluran, sapagkat sa Europa at Hilagang Amerika umusbong ang larangang ito. Bagamat may sarili at orihinal na konsepto ang mga Pilipino kung ano ang kasaysayan, ang mayorya sa ating pamamaraan kung paano magsulat ng kasaysayan o historyograpiya ay hindi maitatangging nakaangkla sa mga konseptong Kanluranin. Totoo na kailangan nating ilipat ang perspektibo ng ating kasaysayan mula sa lenteng kolonyal papunta sa lenteng Pilipino, ngunit para sa akin ay hindi ito nangangahulugan na dapat nating isantabi nang tuluyan ang mga ideya ng Kanluran dahil lamang sa hindi ito orihinal na galing sa ating bansa.
Dahil sa ang mga pinakalumang dokumento na mayroon tayo tungkol sa ating sinaunang prekolonyal na sibilisasyon ay isinulat ng mga Kastila, nasanay ang mga Pilipino sa kasaysayang mula sa Eurosentrikong pananaw. Ang mga itinala at sinabi ng mga historyador gaya nina Chirino, Loarca, at Morga ay gumamit ng pansilang pananaw upang ikuwento ang ating pamumuhay sa mga kapwa nila Europeo. “Ganito ang mga Indio, ganiyan sila mamuhay.” May bahid ng rasismo at prejudice ang kanilang mga perspektibo, na makikita pa rin sa ibang Kanluraning ideolohiya tulad sa Amerika at Britanya. Kaya hindi masisisi ang mga propagandista noong ika-19 na siglo kung bakit nais nilang iwaksi ang “dilim-liwanag” na paradaym at ipamukha sa mga taga-Kanluran na sibilisado na ang mga Pilipino bago pa man sila mapadpad sa ating isla. “Mali kayo, ganito kami noon, ganito naman kami ngayon.”
Ngunit kulang tayo sa isang historyograpiya na ang pokus ay nasa mga Pilipino habang kausap ang mga Pilipino. Ito ang dapat nating punan, tulad ng matagal nang iminumungkahi ni Zeus Salazar. Ilahad natin ang ating kuwento mula sa mga Pilipino para sa Pilipino. Subalit ang kumpletong pagtanggal ng mga konseptong Kanluranin sa pagsasakasaysayang Pilipino at sa Pilipinong agham panlipunan ay tila pagtapon ng sanggol mula sa planggana kasama ang pinagliguang tubig. Iba-iba man ang kontekstong sosyokultural ng bawat bansa, may malaking pakinabang pa rin ang paggamit ng mga ideyolohiya gaya ng peminismo at sosyalismo upang higit na maunawaan ang kondisyon ng ating lipunan sa nakaraan at kasalukuyan. Sa historyograpiya, ang mga konseptong ito ay krusyal upang mabigyang pansin ang kasaysayan ng mga napag-iwanang pangkat gaya ng mga kababaihan, mga katutubo, at mga manggagawa, na siyang binibigyang-diin ng postmodernismo.
Bukod pa rito, sa aking pananaw ay misguided ang karamihan sa mga pamamaraan ng ibang mananalaysay sa pagbalangkas ng ating nasyonalistiko kasaysayan. Gaya ng pagtaguyod ng ibang iskolar sa ideya na magkaroon tayo ng isang pambansang kultura, ang pagsulong ng isang pambansang kasaysayan ay isang pantasya. Kailanman ay imposibleng magkaroon ng iisang kultura o kasaysayan na Pilipino, dahil sa tuwing bumabalangkas tayo ng istoryang may pokus sa isang pangkat (gaya ng mga Tagalog, o mga elite, o mga lalaki) ay hindi maiiwasang maisasantabi ang ibang grupo (mga ibang pangkat-etniko, mga karaniwang tao, mga kababaihan, atbp.). Sa halip na magpumilit na gumawa ng isang homogenous na kulturang Pilipino ay dapat nating niyayakap ang pagkakaiba-iba ng mga Pilipino at i-highlight ang kuwento ng bawat isa upang pagtagpiin sa isang malaking tapestriya ng kasaysayang Pilipino.
Wala tayong iisang kultura at kasaysayan, ngunit tayo ay isang bansa na maraming kultura at kasaysayan. Gaya nito ay wala ring homogenous na kulturang Kanluranin. Iba ang kultura ng Espanya sa Britanya sa Pransya sa Amerika, ngunit lahat sila ay ikinukumpol natin bilang mga kulturang Kanluranin. Iba man ang mga karanasan nila sa atin, ngunit hindi ibig sabihin na ang ilan sa mga aspekto ng kanilang mga konsepto at ideyolohiya ay hindi maaaring magamit at maimplementa sa atin. Gamitin natin ang kanilang mga historyograpikong lapit na epektibo, ngunit iwaksi ang mga hindi. Tanggalin natin ang mga mapangdiskriminasyon na aspekto ng kanilang mga konsepto sa pamamagitan ng dekolonisasyon ngunit itira ang mga makakatulong sa kritikal na pag-unawa sa dibersong kultura ng ating bansa.
Sources:
Bennett, Tony. “Cultural Studies and the Culture Concept.” Cultural Studies 29 (4):546-568. DOI:10.1080/09502386.2014.1000605, 2015, https://www.researchgate.net/publication/276130659_Cultural_Studies_and_the_Culture_Concept.
Kellner, Douglas. “Cultural Studies and Social Theory: A Critical Intervention.” Graduate School of Education & Information Studies, UCLA, https://pages.gseis.ucla.edu/faculty/kellner/essays/culturalstudiessocialtheory.pdf.
Salazar, Zeus. “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan.” Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya, at Pananaliksik, Manila: Kalikasan Press, 1991. 46-72.
Published on January 22, 2023
Comments